Labis-labis na ang Pagluha Mo,
..........Aking Bayan Babád sa luha, mga mata mo’y lumabo na,
At mga problema’y di matanaw, di maunawa,
Iyo tuloy nalimot na kaytagal mo ngang dakila,
Kaya’t tumahan na, mangarap ka’t humakbang na!
.
I.
Labis-labis mo na ngang nailuha, Aking Inang Bayan,
ang pagkahahapding mga latay ng iyong kaapihan…
Mga mata mo’y pinalabo na ng pagkakababad sa luha,
isipan mo’y nalito na sa napakahabang pagkadismaya.
.
Kaya’t lagi’t laging pumupukol sa iilang makasalanan,
Habang naghihintay ng pinunong mapagkakatiwalaan.
Matapos akalaing magliligtas, siya nang kamumuhian.
Kalagaya’y papalubha, palubog sa kumunoy ang lipunan.
.
Higit sa mga asal, pagkukulang o kahinaan ninuman
ang bigat ng mga tunay na ugat ng iyong karukhaan.
Katotohana’y naibaong kaytagal sa balatkayong salansan:
Wala sa iilan ang buong suliranin o ang buong kalutasan!
.
Nalimot mo sino kang talaga; di ba’t lahi’y dakila?
Kailangan mong magawang titigan tunay na mahalaga!
Sa pagtitig ay ilinaw ang mga suliranin at ugnayan nila
– mga kalakaran, patakaran, kalagayan at kaugalian pa.
.
II.
Kalakarang ayon lang sa maka-banyaga, maka-mayaman,
Sumasamba sa dayuhang pautang, kalakal at puhunan
na siyang humihigop at sumasaid sa iyong ani at yaman;
Habang di inaalintana ang kahirapan ng taongbayan.
.
Patakaran na ang bunga’y pagpapatiwakal ng bansa,
habang gahamang opisyales ay hinahayaang magnakaw
upang buong karalitaan mo’y sa kanila maibintang.
Di ba’t ang sinisisi lamang ay kurakutan sa pamahalaan?
.
Kalagayan ng habambuhay na papalubhang kahirapan,
pagkasadlak ng mamamayan sa kawalan ng pag-asa,
maliban kung handang iwan ang pamilya at bansa...
At kinabukasan mo, Aking Bayan, ngayo’y nakasanla!
.
Kaugalian ng paghamak sa sarili, at ng pagkani-kanya,
Ng kagutuman at tuluyang pagtitiis, habang nagtataka.
Sa isip, salita at gawa, bunga ng kaapihan, di na halata
Mga supling ng bayanihan, mga anak ng lahing dakila,
III.
Libu-libong taóng pagkabayani ng mga ninuno ng lahi,
Naipamalas sa bayanihan, higit sa tapang na lumaban;
Pagkilala sa ako’t ikaw, sa ako at tayo, iisang katauhan,
Ginhawa't kadakilaha'y buhay at sama-sama lamang.
Mabuti’t nakita, nakabuo ng lakas, pag-unlad ibinunga,
Humabi ng buhay na nanagana nang ilang milenyo nga.
Walang naging tamad na nakatunganga, walang palaasa,
Nagkusa, umuna, umusad nang walang sawa… ginhawa!
.
Ngayong makilala, lagpasang muli ang mga hadlang
Pagpigil sa nararapat ay sadyang kawalang-muwang!
Sa halip, magbalangkas ng angkop na mga hakbang
Bawiin ang likas na kadakilaan; bawiin ang kabuhayan!
.
Maibabalik ang dating kaugaliang pagbabayanihan,
Gayundin ang talas na dayuhang layunin ay matuklas:
Karapatdapat lang na makikipag-ugnay nang patas
Ang matanggap; at imbi’y mapalayas kahit marahas!
.
IV.
Itinuturo ng katwiran, iwaksi na ang pagluha,
Paramihin, patatagin ang mga aktibong may-tayâ
Mangarap, magbalak, humakbang na sa paglaban
Ang lahat mong pagdurusa’y ganap nang wakasan!
.
Kailangang magsinsin-pagitan sa dalangin at gawâ,
Lahat ng makabayang adhika, kamtin na ng bansâ.
Sa halip na pawang tindahan, kailanga’y paglikha;
Darami ang trabaho, lalaki ang sahod ng gumagawâ.
.
Mga migranteng obrero ay babalik upang tuluyan
At makakapiling na ang mga sabik na pamilyang,
Sa mahabang taggipit ay nangapilitan silang iwan;
Wala nang mga batang mananangis sa lansangan.
.
Katutubong yaman, sasakamay na ng mamamayan,
Pakikinabangan hanggang ng mga di pa isinisilang.
At unti-unti ring aangkinin at iyo nang patitinuin
Ang isang pamahalaan na sa taongbayang tunay!
.
-- Sanib-Sining
[Pinagsama-samang pagsisikap nina Herman Caniete, Paul Galang,
Edward Sta. Ana, Pia Montalban, Rex Deveraturda, at Ding Reyes]
.
Agosto 13 - Setyembre 13, 2009.
(Pagtatangka itong lumikha ng isang kontemporaryong bersyon ng tulang Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan, isang klasikong akda ng Pambansang Alagad ng Sining na si Ka Amado V. Hernandez. Isa itong pagsasanib-tulaan na bahagyang isinulat sa malayang taludturan. Ito ay pinagsama-samang diwa’t katha ng anim na kaanib ng Pamayanang Saniblakas ng Pilipinas na iniambag sa “Sanib-Tulaan” ng Sanib-Sining Movement for Synaesthetics sa gusali ng Bantayog ng mga Bayani sa Lungsod ng Quezon noong Agosto 13, 2009. Iaalay ito ng Sanib-Sining sa, Setyembre 13, 2009, ika-106 na kaarawan ni Ka Amado, at unang araw din ng ikalawang taunang Pistahang Kamalaysayan. Inaanyayahan ang lahat na talakayin at patotohanan ang mga nilalaman at magmungkahi ng mga pagpapahusay nito na pagpapasyahan ng Sanib-Sining bago ang kaarawang muli ni Ka Amado sa Setyembre 2010.)