Wednesday, June 24, 2009

'Birthday Blowout' ni Rizal sa 'Gapo

Nitong kararaang Hunyo 21, pinakamalapit na araw ng Linggo sa ika-148 kaarawan ng kapanganakan ni Jose Rizal, nagdaos ako ng isang "blow-out pameryenda" sa ilang kaibigan ko, at ginanap namin ito sa isang kainan na nasa tapat lang ng monumento sa Rizal Park ng Olongapo City. Kakaunti pa lamang ang kakilala at kaibigan ko dito sa bayan ng Subic at sa syudad na iyon, kaya kakaunti ang naimbita ko sa maliit na salu-salo.

Kaya't maliit din lang ang nagasta ko, naging isang pagpapatunay iyon na tama ang kutob na nasa likod ng aking paglalakas-loob. Katunayan, dalawang bagay ang napatunayang tama sa aking nangangapang pangangahas noong makulimlim na hapong iyon. Ang isa pang napatunayan: kahit kakaunti ang darating ay MAY darating (mga dapat talagang dumating sa okasyong iyon) at matutuloy ang 'Birthday Blowout ni Rizal sa 'Gapo," at masusundan pa ito ng mga kahawig na pagtitipon sa dumarating pang mga buwan.

Hindi kasi isang simpleng birthday party iyon. Ni wala ngang birthday cake na may 148 kandilang hihipan ninuman.

Iyon ay nabigyan ko na rin agad ng description na "brief lecture-discussion on THE CURRENT RELEVANCE OF LIVING HEROISM" at ang kakaunting ginasta ko (dahil isa pa nga sa mga dumating na imbitado ay nag-ambag pa sa pambayad sa kinain namin) ay nagkaroon din ako ng pagkakataong makapagbahagi ng ilang pananaw ukol sa paksa, makapagpaliwanag sa orihinal na kahulugan ng katagang "bayani" (na sa simula'y isang pandiwa -- maglingkod sa pamayanan o sa isa't isa nang walang inaasahang materyal na kabayaran) at ilang impormasyon sa di-gaanong kilalang kabayanihan ni Rizal na hindi niya ikinamatay, halimbawa sa apat-na-taong nag-bayani siya sa Dapitan, at nahingan ko ng sariling mga pananaw ang mga nagsidalo.

Bago pa nga kami tuluyang naghiwa-hiwalay ay nagtungo kami sa mismong monumento upang batiin si Rizal at kausapin siya nang tahimik: bawat isa'y kumausap sa mukha ng monumento upang "ibulong" kay Rizal ang pangakong magsasabuhay ng sariling buhay na kabayanihan.

Siyanga pala, bago rin natapos ang pag-uusap ay nabanggit ko ring nag-iisip ako ng kasunod na selebrasyon sa Hulyo 5, araw ng Linggo na pinakamalapit sa Hulyo 7 na ika-117 anibersaryo ng Katipunan na sa pag-aakala ng karamihan ay paglaban sa Kastila ang naging pinakamahalagang papel sa ating kasaysayan. Malapit din iyon sa Hulyo 3 na ika-117 anibersaryo naman ng La Liga Filipina na itinatag ni Rizal at pwede nating ganap na palargahin ngayon kung talagang kilala nga natin ang Liga). Masigla ang ipinahayag nilang kagustuhang dumalo; magsasama pa nga raw sila ng iba. At ayon sa kaumpok namin noon na may katungkulan sa City Hall, hindi na kailangang sa restawran uli kami mag-uusap, dahil makukuha raw niyang magamit na namin ang isang bahagi ng Olongapo City Convention Center.

Mukhang maraming mararating ang pagpapatuloy ng isang kaganapang ipinagpangahasan lamang na maituloy batay sa nangangapang lakas ng loob. Ang simula kasi ng lahat ng malaking proyekto ay sa unang hakbang. Huwag lang tayong payagan nina Rizal, Bonifacio at iba pa nating naunang mga bayani na pasukin tayong lahat ng sakit na pagniningas-kogon.

ding reyes, subic, zambales / hunyo 25, 2009
(tingnan din ninyo ang mga postings namin sa
http://kamalaysayan.8m.net, at sa
http://lambat-liwanag.8m.net/4.htm.)

No comments: