May magandang balita po tayo sa mga kasapi ng Kamalaysayan Solidarity on Sense of History at ng Balik-Bayanihan Campaign Network at ng mga Cause group sa Facebook ng dalawang samahang ito. Ang ikalawang novelette ni Ed Aurelio C. Reyes, na pinamagatang TASYO: Ngayon ng na ang Bukas sa Habilin ng Pantas? Ay halos tapos nang maimprenta at handa nang maipamahagi sa ilang book outlets sa loob ng ilang araw mula ngayon. Nasimulan na ang pag-iimprenta ay pinilit pa rin ng sumulat nito na maghabol sa likurang pamagat ng isang mabigat na hamon sa lahat ng mga babasa:
. “Mulat sa katotohanan at kahalagahan ng kaisahan ng lahat, sa isip at diwa, sa salita at gawa, magpakatao at makipagkapwa-tao Tayo.
. “Sa dinami-dami ng aking mga nabasa, isang katotohanan ang halos mawaglit na sa aking kamalayan. Ito pala ang pinakamahalaga. Na tayo ay nilikha na kawangis ng Lumikha. Na ang gayon ay kaloob sa atin ng Lumikha, at ang ganap na pagkakamit ng katangiang ito ay dapat namang ikaloob natin sa Kaniya. Ang gantimpala ay kaligayahan at kapanatagan sa sari-sarili at sama-sama nating buhay. Madalas nga lamang mangyari na sa salimuot ng araw-araw na mga gawain upang lumawig at gumaan ang buhay ay nawawaglit sa ating muni ang pinakamahalagang katotohanan kung bakit nga tayo isinilang at nabubuhay.”
. NAPAKASIMPLE nga raw ng habilin ng napakatagal nang sumulat nito, na tila raw si “Tasyong Pantas.” Kung gayon, bakit naman ipinagpalagay na di ito mauunawaan ng kanyang mga kapanahon? At bakit kaya pinagdududahan pa ng pamagat nitong aklat na tayo na ngayon ang makakaunawa? Ang tanging sukatan ng sapat na pagkakaunawa ay angkop na pagsasabuhay, di lang sa isip o sa salita kundi sa gawa. Sa mga ugali’t asal ng mga tao ngayon, napakadaling patunayan na hindi pa talaga natin nauunawaan ang “Habilin ng Pantas.” Mayroon kayang sapat na makakikilala sa halaga nito sa kamalayan ng Sangkatauhan sa buong daigdig, at gugugugol tuloy ng tiyaga upang ito’s pag-aralan, isabuhay at ipalaganap?
Ed Aurelio (Ding) Corpus Reyes, may-akda,
TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas?
MANILA: SanibLakas, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment