Wednesday, June 15, 2011

Kartilya ng KKK: Madaling Maintindihan, Napakahirap Isabuhay


KARTILYA NG KATIPUNAN:
MADALING MAINTINDIHAN, NAPAKAHIRAP
ISABUHAY

Ito ay lalong pinasimple pang bersyon na nilikha para sa Aklat na KARTILYA NGAYON! Ang mga Landasin ng Bagong Pagtitipon, Tugon sa mga Hamon ng Ating Panahon, 2007. Nilikha upang ang pagkakasulat ni Emilio Jacinto ng orihinal sa "malalim na Tagalog" ay di magamit na dahilan sa pagtanggi ninuman sa Mga Aral ng Katipunan.

Ang buhay na di iniuukol sa isang malaki’t banal na mga layunin ay parang puno na walang lilim, at kung gayo’y walang silbi, o kaya’y parang damong makaman­dag at nakakapinsala pa nga.

Gumawa ka man ng mabuti, kung para naman maka­pagyabang lang o magpatampok ng sarili mo, hindi pa rin kabaitan iyan.

Ang tunay na kabanalan ay pagkakawanggawa, ang pagmamahal sa kapwa, at pagiging makatuwiran sa ba­wat iniisip, sinasabi at ginagawa.

Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay. Maaaring ang isa’y mahigitan sa yaman, sa dunong o sa ganda, pero hindi mahihigatan sa pagka-tao.

Sa taong marangal ang kalooban, mas importante ang karangalan at puri kay­sa paglilingkod sa sarili; sa may hamak na kalooban, mas importante ang pagliling­­kod sa sarili kaysa sa puri.Kung ang tao’y hindi walanghiya, ang bawat sinasabi niya’y isang sumpa.

Huwag tayong magsasayang ng panahon. ‘Pag ya­man ang nawala, pwede pa ring mai­balik, pero ‘pag panahon ang nagdaan na, di na ‘yan dadaan pa ulit.

Ipagtanggol ang inaapi; labanan ang nang-aapi.Ang taong matalino ay maingat sa bawat sasabihin; matutong ilihim ang dapat mong ilihim.Kung ng umaakay o namumuno ay tumutungo sa kasamaan, doon din tutungo ang inaakay niya o pinamu­munuan.

Ang babae ay hindi libangan lang. Pantay silang katu­wang at karamay ng lalaki sa mga hirap ng buhay. Isa­alang-alang mo nang may paggalang ang anumang ipinag­papa­lagay na kahina­an ng kababaihan, at laging tandaan na ang iyong ina na nag­silang at nag-aruga sa iyo noong sanggol ka pa lang ay isa ring babae.

‘Pag di mo gustong gawin ng iba sa mahal mo, ‘­wag mong gagawin sa mahal ng iba.

Ang kamahalaan ng tao ay wala sa pagkahari o pag­kapari, wala sa tangos ng ilong o kaputian ng mukha, wala sa mataas ng katayuan sa lipunan. Wagas at tu­nay na mahal na tao, kahit laking-gubat at walang nalalaman kundi sariling wika, ‘yong may magandang asal, mapag­kakatiwalaan ang sinasabi, may mara-ngal na kalooban, di nagpapaapi at di nakikiapi, iyong marunong magdamdam at maru­nong magmahal sa lupang tinu­buan.

Paglaganap ng mga aral na ito at kapag sumikat na ang Araw ng Kalayaan dito sa kawawa nating Sang­kapuluan at sabugan na ng matamis niyang liwanag ang nag­­ka­isang magkakalahi at magkakapatid ng ligayang walang katapusan, ang lahat ng inialay na buhay at pagod at mga tiniis na sakripisyo para sa bayan ay ganap nang matutumbasan.
= = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = = =

No comments: