Dalawang Talata
PARA SA PAGLAYA NG ATING KABUHAYAN
[Kamakailan ko lang naisulat sa blogspot na ito ang isang talatang pagbubuod ko ukol sa tunay na kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas. Nagmula iyon sa synthesis na ginawa ko sa isang mahalagang caucus ng mga lider at kasapi ng National Economic Protectionism Association o NEPA na nagsimula nang maghanda ng isang makasaysayang kapulungan sa darating na Nobyembre 21, 2009, ika-75 taong anibersaryo ng makabayang samahang ito. Nitong huli, iminungkahi sa akin ni Doc. Ernie Gonzales, "kapatid" kong tunay sa diwa at gawa, na presidente ngayon ng NEPA, na palawigin ko raw ang isinulat kong tula (?) upang saklawin na rin sa maikling paraan ang pinakamahalagang mga sangkap ng kalutasan. Gaya ng aking ipinangako, nagsimula ako sa ganoong tangka at kagabi ay may nabuo na rin ako sa hinihinging karugtong. Ang DALAWANG TALATA ay naisip kong ipako sa pinto ng Malakanyang o kahit man lamang ng NEDA, isang sadyang paghahawig sa ginawa ng isang nagngangalang Martin Luther sa kanyang halos sandaang "Theses." Pero di pa panahon para gawin ito. Kailangan muna sigurong talakayin at yakapin ito ng ating mga kababayan sa buong kapuluan, isalin pa sa sari-sarili nilang wika, gamiting gabay sa mga pagsusuri at pagpapasya, kung siya nga nilang mamarapating karapat-dapat. Sila na rin sana ang magpako nito sa tarangkahan ng Malakanyang o NEDA o sa mga noo ng kasalukuyang mga nangangasiwa sa ating ekonomiya na naghihingalo na'y nagpapanggap pang malusog at masaya.]
kalakaran na ang laging nasusunod
ay maka-dayuhan at maka-mayaman,
madalas pa’y sinusukuan nang walang
pagtutol o pagtatanong man lamang.
pinapalakpakan pa ng mga biktima
na nalinlang na nang lubus-lubusan...
ng bansa sa pagbabaha ng dayuhang pautang,
kalakal at puhunan -- na pawang patagóng
humihigop, sumasaid sa ani’t yaman ng bayan;
hinahayaang magnakaw, opisyal na gahaman,
nang kahirapan nati’y sa kanila ibintang...
kalagayan ng habambuhay na palubhang
kahirapan, pagkasira ng likas na kapaligiran,
pagkasadlak sa kawalan ng pag-asa maliban
kung handang iwan ang pamilya at bansa...
kaugalian ng pagkani-kanya sa kahinaan,
gutom, pagkalito’t pagtataka, pagtitiis...
kailan pa tayong magpapasya na ganap nang
ugaliing magpakatao at makipagkapwa,
ganap nang lumaya, at magkamit ng ginhawa?
bawiin na nga natin ang ating ekonomiya!
itinuturo ng katwiran: huwag nating iasa
sa iba ang kalagayan ng ating kabuhayan,
ni ang pagbubuo ng matatag na kakayahang
kabuhayan ng bansa ‘y maipagsanggalang!
kaya’t sama-sama na nating pagsumikapang
masinsinsinang mapag-aralan, maunawaan,
upang ating hamunin, ilantad at pandirihan
kaisipang batayan ng umiiral na kalakaran;
matalas ding kilalanin, malinaw na ibunyag,
mabisang gapiin, ang lahat ng patakaran
ng mapang-aping kapangyarihang di naman
tunay na pinili at binasbasan ng taumbayan.
pagtitiis sa kalagayang tayo nga’y nasadlak
huwag na nating ipasa pa sa ating mga anak.
ibalik na natin bilang karaniwang kaugalian
ang pagkukusa, pagtataya, pagbabayanihan--
pagsasanib ng ating mga talino at pawis
upang sama-samang makamit ang ginhawa
at katiwasayang ibubunga ng mga tagumpay
ng ating ganap na magkakaisang bansa!
Sa larangan ng ekonomiya, sa patnubay ng NEPA,
Magsanib-lakas, Pilipinas!
(iminumungkahi ko ring mahigpit na pagkaisahan
ng mamamayan sa bayan-bayan ang nilalaman ng
Nationalist Development Agenda na inilabas ng
Fair Trade Alliance na pinamumunuan ni Ka Bobby
Tañada. Bahagi po ng FairTrade ang NEPA. Pala-
laganapin ng NEPA ang mga sipi nito.)
Ding Reyes
(Pinuno ng Komite sa Edukasyon, NEPA)
Subic, Zambales, Agosto 20, 2009
No comments:
Post a Comment