KUNG TUYO NA ANG LUHA MO, AKING BAYAN
Amado V. Hernandez
Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,
Ganito ring araw noon nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,
Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan;
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!
Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
Kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
Lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.
May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!
= = = = = = = = =
Iluha mo ang Trece de Agosto, Aking Bayan!
[Binasa ang tulang ito ni Andres Esperanza sa Malolos Congress Centennial Commemorative International Conference ng Setyembre 1998, bilang bahagi ng isang papel na presentasyon doon. Nasa anyong parody ito bilang pagpupugay sa tulang Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan na isinula sa piitan ng National Artist na si Ka Amado V. Hernandez, isang makata at lider-manggagawa noong mga dekada ng 1940s at 1950s.]
Lumuha ka, Aking Bayan, buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa.
Ang bandilang sagisag mo’y nagwawagayway nga nang malaya,
Ngunit lukob ng negosyong dayuhan, at sinasamba’y dolyar na nga,
Pati wikang minana mo’y busabos ng diumano’y ‘global language’.
Ganito ring araw noon nang agawan ka ng laya…
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,
Matapos ng ang sa ati’y nagharing kapangyarihang Kastila
Nang sa sangkatlong milenyo’y magapi na ng Katipunan,
At magtaas na ng puting bandera, sa pasubaling susuko lamang
Sa kapwa nila puti, ang ‘makapangyarihang at makataong bansang
Norte-Amerikano’ na nagpanggap na ating tagapagtanggol at kaibigan
Na nagbantay-salakay-- inagaw, binihag, ang ating tagumpay,
Binili pa nga tayo sa atin nang natalo, at ang tumanggi’y pinagpapatay!
Lumuha ka habang sila’y palalong nagdiriwang.
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan!
Kaulad mo ay si Huli, na aliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan,
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy kung paslangin, tumatangis kung nakawan,
Ngunit pawang nakikita lamang ay mga bubwit na kawatan
At di kailanman ang mga agilang mandaragit at gahaman.
At habang nagpapatuloy ang dayuhang sakal sa isip at sikmura,
Sinabihan ka pang magdiwang, sentenyal daw ng paglaya!
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo’y pampahina, sa banyaga’y pampalusog.
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo ang mayhawak sa nagtatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor na may armas nukleyar, nasa laot.
Bunga ng bagong kasunduan sa gobyernong Amerikano
Na epektibong nagbabalik ng paglabag sa soberanyang Pilipino.
May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto ang dadaloy
Kundi apoy, at apoy na kulay-dugo!
Samantalang ang dugo mo’y aserong kumukulo!
Sisigaw ka nang buong-giting sa liyab ng libong sulo,
At ang lumang tanikala’y makikilala mo, kahit pinagkulay-ginto,
At lalagutin mo sa iba’t ibang paraan, kasama na ang punglo!
Hulyo 4, 1998
= = = = = = = = = = =
Tapos na ang panahon ng “Lumuha ka, aking bayan.” Kailangan nang ilinaw at lutasin ang ating mga iniiyakan – ang ating kabuhayang kontrolado at pinipiga ng mga negosyong dayuhan; ang mga opisyales ng gobyerno na kolaboreytor na’y may sarili pang malakihan ding pagnanakaw, nagmamaniobra pa para makapanatili sa poder; marami-raming mga nakikiapi sa atin; at karamihang kababayang mga duwende lang ang nakikita at hindi ang mga higanteng salarin (na nasa U.S., Japan, Europe, etc.)! Mangarap na tayo at magbalak nang malinaw, at humakbang na nang tiyak at matatag tungo sa isang ganap na malaya, nagkakaisa, at maginhawang Pilipinas! TAYO na!
Noong hapon ng makasaysayang Agosto 13, idinaos sa Bantayog ng mga Bayani all-purpose hall sa Quezon City ang sesyon ng “Sanib-Tulaan” at binasa ang dalawang tulang lumuluha sa itaas at ang panawagan sa ilalim ng mga ito. Sa pamamagitan ng pagbasa at pagtatalakay sa dalawang tula at kasunod ng mga ito, sinimulan na ng mga makata ng Sanib-Sining ang pagbubuo ng isang bagong tulang pamamagatang MANGARAP KA’T HUMAKBANG NA, AKING BAYAN! Sa loob ng isang linggo, mabubuo at maipipinal na ang tulang ito upang maitanghal na sa ating mga kababayan, at sana’y magustuhan nila ito.
ding
Agosto 13, 2009 / 9pm
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
Ding, kamusta? Pakiusap - paki-padalhan mo ako ng kopya ng tulang iyon, pag nabuo na. Salamat.
**********
"Facts are stubborn things."
http://blueposts-by-agcarlos.blogspot.com
sige, kapatid, malapit na...
Post a Comment