Si ‘Ondoy’ ay may ibinabalita,
Na atin ngayong sukat ikatuwa:
Bayanihang buo nating inakala,
Wala nang nalalabing buhay pa,
Lumilitaw pa rin sa tuwi-tuwina
‘Pag may kalamidad ang madla.
Sa araw-araw na pamumuhay
Ay maibalik pa natin, harinawa!
NAGPAGUNITA at nanawagan ang tunay na mga namumuno sa bayan: ibalik natin ang diwa ng Bayanihan! At malamang na natuwa sila sa kanilang namasdan – mula sa mayayaman at mahihirap ay umagos na parang malaking baha ang mga tulong at ang mga aksyon ng pagtulong. May iilang di nakadama ng diwang ito at gumawa pa ng hindi maganda sa kapwa; at sila ay kinagalitan ng mga kaibigan, kamag-anak, kasambahay, kapitbahay – mas marami ang nakadama na kailangan ang diwa ng pagbabayanihan at ipinamalas nila ito sa sari-sarili nilang pagpapagod at pag-aambag ng kung ano ang kanilang maiaambag. Ipinamalas din nila ito sa kanilang galit at pandidiri sa mga kababayang nakaisip pang magsamantala sa kapwa sa harap na nga ng matinding kagipitan, gutom, ginaw at nagpapatuloy pang panganib. Buhay pa ang diwa ng Bayanihan, isa sa labindalawang yaman ng ating lahi na di kayang tapatan ng kwarta!
Ngunit makabubuti ring ilagpas na natin ito sa paminsan-minsang malalaking mga kalamidad at sakuna ng madla, gaya ng lindol, sunog, baha at mga katulad nito.
Marami ang sinag ng Bayanihan na maaaring makagabay sa iba’t ibang kalakaran ng ating pamumuhay sa araw-araw, di na lamang sa mga gawain sa bukid noong naunang mga panahon; di na lamang sa pagsasagipan at pag-aambagan sa harap ng mga kalamidad tulad ng mga lindol, pagputok ng bulkan o malalaking pagbaha, na kinakikitahan ng buhay pang diwa ng Bayanihan sa kasalukuyan.
Nakapagbilang kami ng labinlimang mga larangan ng buhay panlipunan na mapagsisinagan ng liwanag ng Bayanihan sa karaniwan nating pamumuhay at pakikipamuhay sa araw-araw. Kung magagawa lamang natin ang pagpapasinag ng diwa ng Bayanihan sa labinlimang ito, maisasagawa natin nang sama-sama ang minimithi nating tunay na pagbabago ng mga kalakaran sa ating lipunan.
Pag-isipan at pag-usapan natin ang sumusunod:
1. Bayanihan sa tuluy-tuloy na pagsisikap na tayong lahat ay magpakatao at makipagkapwa-tao.
2. Bayanihan sa patutulungan natin sa panngangalaga sa pangkaabuuang kalusugan ng bawat isa.
3. Bayanihan sa pagmamahal, pag-aaruga at pagtatanggol sa likas na kapaligiran.
4. Bayanihan sa sama-samang pagkakamit ng malalim na kamalayan sa kasaysayan.
5. Bayanihan sa pagpapalakas ng diwa at kakayahan natin sa pagiging mabuting mamamayan at sa pamamahala sa sariling malalaki at maliliit na pamayanan
6. Bayanihan sa pagkakalinga sa Kalinangan na sama-samang likha ng pamayanan.
7. Bayanihan sa epektibong pagtuklas, pag-aaral at pag-uunawa sa mga katotohanan sa buhay, lipunan at kalikasan.
8. Bayanihan sa pagpapalakas at pagpapalusog sa mainam na pag-uugnayan ng mga kasarian.
9. Bayanihan sa pagkakamit ng unawaan sa bawat pamayanan sa pagpapairal ng katarungang nagpapahilom at di nakabatay sa pamamarusa.
10. Bayanihan sa makabagong mga anyo ng pagtatangkilikan, pagsasama-sama at pagbabahagian sa mga gawaing kaugnay ng pagpapalago ng kabuhayan ng lahat.
11. Bayanihan sa sama-samang pamumuno upang tunay na mapagkaisa ang lahat sa mihiin, balak, gawain at kapakinabangan.
12. Bayanihan sa pagtutulungan at pagtatangkilikan sa pagpapaunlad ng angkop na teknolohiya batay sa tunay na mga pangangailangan ng mga gumagamit.
13. Bayanihan sa pagitan ng mga pamilya at mga pagkakaisang pangkaibigan.
14. Bayanihan ng lahat ng mga nagtataguyod sa kapayapaan at sa lahat ng mga karapatang pantao.
15. Bayanihan ng mga paglikhang makasining, nang walang paligsahan.
Ang lahat ng mga kaanib ng Balik-Bayanihan cause group ay hinihiling namin ngayon na basahing muli ang 15 Sinag ng Bayanihan na nakalista sa itaas, gayundin ang katapat ng mga ito sa wikang English, na tinatawag na “15 Empowering Paradigm Shifts” na nakahanay at may mga artikulo sa http://lambat-liwanag.8m.net, at piliin mo sana kung aling Sinag ng Bayanihan ang ninanais mong itaguyod bilang sarili mong priyoridad. Sa karamihan ng mga ito ay mayroon nang naitayong samahan upang epektibong ibalik ang diwa ng Bayanihan sa partikular na mga larangang pinag-uukulan.
Kung napili na sana ay pakisabi agad sa amin at sa mga kasama natin dito sa Balik-Bayanihan at sabihin din kung bakit ito ang napili (ano ang kaugnayan nito sa buhay mo?) at kung sa paanong paraan mo naiisip isagawa ito. Ang bawat isa sa mga bumubuo grupong “Balik-Bayanihan” ay magiging desidido sana at kung gayo’y aktibo sa ating mithiin.
Alamin ang kailangang alamin; aralin ang kailangang aralin. Makasaysayang handog natin ito sa sambayanang Pilipino upanh muling makilala at maisabuhay ang Bayanihan nang lagpas sa mga imahinasyon lamang ukol sa sama-samang pagbubuhat ng bahay.
Ibalik natin ang Bayanihan! Tayong lahat ay may-taya rito, at tayo’y magiging mga aktibong may-taya rito!
makati city
09-30-09
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment