(orihinal na teksto ng pahayag sa wikang Pilipino)
Kaming mga mamamayan at mga samahang nakalagda sa ibaba – na pawang may dangal, kagandahang-loob at lakas ng loob upang talagang isagawa ang lahat ng mga maingat na ipinapasya, at may dangal ding tuparin ang lahat ng mga ipinahahayag sa kapwa – ay malaya, malinaw at matatag ngayong nagpapanata na malaliman at masinsinang pag-aaralan upang makasanayang isabuhay ang Simulaing Bayanihan, isang yamang pamana ng aming mga ninuno.
Tutuklasin at pag-aaralan namin ang lahat ng larangan ng pagsisikap na mapaglalapatan ng Simulaing Bayanihan, hindi lamang sa mga kalagayan ng kagipitan at kalamidad, kundi sa pang-araw-araw na pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao sa kasalukuyan, at palagiang isasabuhay ang simulaing ito upang makamit na ng aming Inang Bayan ang palagiang kaligtasan, karampatang mga kakayahan, ganap na kalayaan, at lalawig na kaginhawahan.
Iaambag pa namin sa Sangkatauhan ang Simulaing Bayanihan upang magamit ito sa matagumpay na pagharap sa mabibigat ng suliranin sa buong mundo ukol sa kapaligiraran, kabuhayan, at kapayapaan.
Gabayan at kasihan nawa kami ng Bathalang Maykapal at samahan ng karamihan sa aming mga kababayan upang ang kabuuan ng aming Pagbabalik-Bayanihan ay malalimang mapag-aralan at mapag-isipan, malinaw at malawakang mapag-usapan, na ganap na naming maipagtagumpay, sa kasalukuyang panahong kami pa ay nabubuhay!
Hindi sasapat ang hiwa-hiwalay na lakas ng paisa-isang Pilipino;
Ang kailangang iharap sa malalaking patong-patong na suliranin
Ay magkakasama at magkakasanib na lakas ng maraming bayani!
Simulaing Bayanihan, ibalik na sa araw-araw nating pamumuhay!
ISULONG NATING LAHAT ANG BALIK-BAYANIHAN!
Nobyembre 20, 2009, at matapos nito
(ihinanda ni Ding Reyes, pasimuno ng Balik-Bayanihan, upang pag-aralan, pagpasyahan at lagdaan ng nakikiisang mga indibidwal na mamamayan at mga samahan.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment