Wednesday, July 22, 2009

Ang Alamat ng AkMa

Ang Alamat ng AkMa
Ating mga Ninuno sa Malaking Bangka

Ni Prof. Ed Aurelio C. Reyes
isinulat habang nag-aayuno sa Morong, Bataan laban sa
Plantang Nukleyar, Abril 13, 2009.
-
BALANGHAI ang tawag sa malalaking bangka, na naging mga lumulutang na tahanan ng malalaking pangkat, kadalasa’y mga angkan, ng mga ninuno ng kasalukuyang naninirahan sa malaperlas nating kapuluan sa gilid ng pinakamalawak na karagatan. Ayon sa mga nagsaliksik, sa ganitong sama-samang pamumuhay sa laot unang natutunan ng ating mga ninuno ang ugaling pagbabayanihan, ang sama-samang paggawa para sa sama-sama ring pakinabang.

Maglingkod sa kapwa nang walang hinihintay na materyal na kabayaran; ang tanging maaasahan ng tumutulong sa tinutulungan ay ang ganting-lingkod na palagian namang ipinagkakaloob. Hanggang ngayon, sa kalooban ng ating mga kababayan, lalo na sa mga lalawigan, ay malinaw na buháy pa ang diwa nito.

Hindi naman marahil ganito kaganda na kaagad ang pakikipamuhay ng ating mga ninuno sa isa’t isa, lalupa kung nagkahalo ang iba’t ibang angkan sa paglulan sa iisang malaking bangkang tahanan. Ang tiyak na katotohanan lamang, na alam ng lahat pati na mga batang nagsisimula pa lamang magkaisip, ay ito: Silang lahat na naglalakbay sa iisang lumulutang na tahanan ay may-tayâ sa ligtas na paglalakbay nito – nakataya ang kaligtasan nilang lahat, nakataya ang buhay nilang lahat. Ang di lamang nakakaalam nito ay ang mga sanggol na kasisilang pa lamang. Nakataya sa katatagan ng malaking bangka ang buhay nilang lahat! Sila’y nasa puso ng pinakamalawak na karagatan sa daigdig – kung paglubog ay maganap, walang makakaasa pang makaligtas. .Kahit hanggang sa mga sandali ng kanilang pagkahimbing, silang lahat nga ay May-Taya.

Ganito nga ang nangyari isang tahimik na gabi sa isang may katamtamang-laking balanghai. Nahihimbing noon ang karamihan at panatag sa pag-aakalang ito’y gabing karaniwan lamang, kagaya ng mga nauna. Malayo sa isip nila ang anumang sakuna. .
Ngunit napabanda pala sila sa isang bahagi ng karagatan na mabató at mababaw. Di sapat na mataas kaya’t kahit sa kasikatan ng araw ay di natatanaw. At may mga bato roon na katulad ay balaráw.

Hindi man sila sumadsad, kanilang gilid na lubog na sa pantay-dagat ay nahiwa at nabutas ng ilan sa batóng napakatalas, at agad na ang tubig-dagat ay nagsimulang pumasok, sa isang baligtad na pagtagas!

Ang kakaunting gising, ay di agad nakapansin, hanggang sa may karamihang tubig na ang nakapasok at napalaki na rin nito ang butas dahil sa lakas ng pagsirit ng tubig. Noon nalaman ng kakaunting gising na may malaki silang suliranin. Walang pagdadalawang-isip na tumalon sila sa pagkilos. May mga sumalok upang ang tubig sa pinagmulang dagat ay agad maibalik. May mga humanap sa butas at ng doo’y maipapasak. At may kinailangan pang humiwalay upang gisingin na ang mga walang kamalay-malay. .

Nahati sa Tatlo ang mga May-Taya!

Di man tinatakán, nagdalawang pangkat na noon ang mga may-taya – ang mga aktibong may-taya o akma na ubos pagod sa pagparo’t parito sa pagsasahod at pagtatapon, ang mga nagpapasak at naghahanap ng mas mainam at karagdagang pamasak, at ang mga nanggigising sa mga tulog pa, sa mga tulog na may-taya. Kailangan silang gisingin. Kailangan silang pakilusin sa pagharap sa malaking gawaing iligtas ang balanghai. Sila ang mga akma at ang mga tuma – aktibong may-taya, at tulog na may-taya.

Ngunit ang mga tuma ay may iba’t ibang naging tugon nang sila ay ginigising, nang sila ay tinatapik, hinahampas, yinuyugyog ng mga akma upang makatulong na sana agad sila.

Nagtagumpay naman ang mga akma sa panggigising sa halos lahat, kundi man sa lahat nga, at sila’y naging mga muma. Ang mga tulog na may-taya ay naging mga mulat na may-taya.

Kinailangan nga lamang sukuan ang mga imposible talagang gisingin pa – ang gisíng na ngunit patuloy na nagtutulug-tulugan pa. Mabagal na bumangon ang karamihan, at nang makabangon ay pinanood at pinalakpakan ang kasipagan ng mga akma, bagay na di naman kailangan ng mga ito. Sa panahong iyon, ang kailangan talaga’y gisíng na mga isip at buháy na mga kamay para mapagtulung-tulungan ngang harapin at lutasin ang napakabigat na suliranin nilang lahat, at nanganganib na nga ang buhay ng bawat isa.

Nang tumaas pa ang tubig-dagat sa loob ng malaking bangka, napilitan na ring bumangon ang dating mga nagtutulug-tulugan. At ang kanilang binitawang salita: “Dapat nating malaman at maparusahan ang mga may kasalanan kung kaya’t naganap ang sakuna! Nagambala tuloy tayo sa pagtulog na panatag at mapayapa!

Naistorbo tuloy ang buhay natin!” Di sila pinansin ng mga nakarinig, at sa halip ay inabután ng mga balde, at sinabihang “Magtrabaho na kayo! Kung di natin malutas ito, di lang pagkaistorbo ang aabutin ng buhay n’yo!” .

Nasaan ang Pag-asa ng Bansa?

Ano nga bang uri ng tao, ng pagkatao, ang nababagay humarap sa ganitong malaking pagsubok, isang problemang nakapagsasapanganib sa lahat ngunit kakaunti ang handang tumalon sa aksyon? Ang kailangan ay ang hindi magkakaila na sila’y may-taya, gising na’y magtutulug-tulugan pa. Ang kailangan ay ang akma sa kalagayang ganito – ang akma – ang aktibong may-taya!

Ngunit kung di sumapat ang bilang ng mga aktibong may-taya, kung marami pa ang maghihintay muna, “titingnan natin” muna, magdadahilan muna, wala rin – mamamatay rin silang lahat, at masasayang lamang ang kabayanihan ng mga mabilis na nagpasyang maging mga akma.

Sumapat naman yata, at tila di naman sila namatay lahat sa trahedyang iyon sa dagat. Kung namatay nga silang lahat ay sino ang nakapagkuwento ang naganap at maipasa-pasa bilang alamat?

Ito nga lamang ay hindi alamat na pangmadla na nagmula sa kwentuhan ng ating mga ninuno at ipinasa-pasa hanggang makarating sa panahong kasalukuyan. Ito ay alamat na kathang-isip lamang ng isang tao. Oo kathang-isip ko lamang ang “Alamat ng AkMa.” Hindi kapos sa talino ang mga ninuno natin para ang karamihan sa kanila’y mag-atubili pa muna bago tumalon sa aksyon, bago harapin nang sama-sama ang malaking kapinsalaan o matinding panganib sa kaligtasan at kapakanan ng lahat.

Matalino ang mga ninuno ng dakilang lahi, na ang kadakilaan nila’y nakilala ng lahat sa libu-libong taóng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, bago napingasan ang mga ugali at gawi nito nang magsimulang manghimasok dito ang mga dayuhang mapangamkam nito na lamang huling kakalahating libong taón.

Ang totoo, naisip ko ang kwentong ito, batay sa asal ng marami ng ating mga kababayan ngayon – palaiwas sa sakripisyo para sa sama-sama nating kaligtasan at kapakanan, paladaíng ngunit ayaw namang kumilos para mapagtulungang malutas ang mga idinadaing; matatakutín sa paninindak ng mala¬lakas kaya ayaw mangahas na sumama sa pagbubuo ng pagkakaisa ng sambayanan na lubha sanang mas malakas sa malalakas (naduduwag na nga ba ang mga anak ni Lapu-Lapu?); nasisilaw sa kwarta at nagbebenta ng kaluluwa, kundi man nangungunsinti pa lalo sa kaibigan, ngunit kaytigas kung manisi sa mga “korap.”
Buti na lamang, nasimulan na ang pagbabangon ng sambayanan sa ganitong laganap na mga kahinaan. May ilang nakapagsimula nang maglatag ng mga pangkat sa mga komunidad upang itayo ang ating bagumbayan. Bago mangalahating milenyo ang pagpasok ng Kastila, malaki na ang maaabot nito!

Ang karapatdapat lamang na mapabilang, o maaanyayahan man lamang na mapabilang, sa kapatirang ito ng ating bagumbayan ay ang mga Pilipinong may sapat na kagandahang-loob at lakas ng loob upang ganap na magpakatao at makipagkapwa-tao. Itatayo na, sa wakas, ang bagumbayan na kaytagal nang minithi at ipinagbuwis pa ng pawis at buhay ng mga naunang bayani ng ating dakilang lahi.

Tatatag, dadami at mahigpit na magbubuklod ang mga AkMa. Sila ay magtataglay ng diwa at asal, ng Kulturang AkMa, sapagkat “Nasa AkMa ang pag-aasa ng bawat pamayanan, at ng Sangkatauhan.

Nasa mga Aktibong Maytaya ang pag-asa ng bansa!”
Batay sa mga AkMa, magsasanib-lakas ang Pilipinas!

No comments: