Kahapon, Hulyo 5, 2-5 ng hapon ng unang Linggo ng Hulyo, idinaos namin doon muli sa Wimpy's sa tapat ng Rizal Monument sa tabi ng Olongapo City Hall ang ikalawa sa nabubuong buwanang serye ng mga panayam-talakayan ukol sa mga paksang sibiko. Ang pamagat ng paksa ay "Hamon ng La Liga Filipina at Katipunan sa Kasalukuyan: Tangkilikan sa Pagtatanggol sa Kabuhayan ng Bayan."
Eksakto kasing nakapagitan ang Hunyo 5 sa Hulyo 3 na kaarawan ng pagkakatatag ng Liga noong 1892 at Hulyo 7 na kaarawan naman na pagkakatatag ng Katipunan noon ding 1892. Napapansin n'yo bang aapat na araw lang ang pagitan ng pagkakatatag ng dalawang samahan? Talagang aapat na araw lang, at may malaking dahilan ang napakaikling pagitang ito. Ipinaliwanag ko sa aking lektura kung ano ang naganap sa iilang araw na iyon, na sa dulo'y nasa malayong Zamboanga del Norte na si Rizal.
Napakarami nating mga nakakaalam na itinatag ni Rizal ang La Liga Filipina at napakarami ring nakakaalam na itinapon siya ng mga Kastila sa Dapitan. Pero kakaunti lamang ang nakakaunawa kung ano talaga ang nilayon ng Liga at kung ano ang mga ginawaa ni Rizal sa Dapitan noong apat na taon siyang binantayan at pinagbawalang gumawa ng anumang gawaing pulitikal. Gayundin, kakaunting-kakaunti sa atin ang nakakakilala kung ano talaga ang naging papel ng Katipunan sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ano bang klaseng samahan ang La Liga? Kung ilalarawan batay sa mga samahang kilala natin ngayon, pinagsama-sama siyang civic organization (mga samahang pansosyalan, tulad ng Rotary, Jaycees at Lions), chambers of commerce, at kooperatiba. Ganun lang, at inakala ni Rizal na di pag-iinitan ng mga Kastila ang ganoong samahan. Hindi man samahang palaban sa Kastila ang Liga, samahan naman iyon na pambuo sa bahagya man lamang na pagkakaisa ng mga Pilipinong nakaririwasa upang magtulungan sila sa kabuhayan. Nang dakpin nila si Rizal at itinapon sa Dapitan, napugutan nila ng liderato ng Liga, at agad na nahati sa dalawang pangkat. Ngunit ang Rizal na pinagbawalang masangkot sa anumang gawaing pulitikal ay hindi nagtamad-tamaran lang sa tulog na nayon ng Dapitan, isinagawa niya nang personal ang maisasakatuparan niya sa mga gawaing ninais niyang gawin ng mga kasapi ng La Liga Filipina. Nagsipag siya sa pagiging matulungin (laluna bilang doktor, guro at inhinyerong sibil) at pagiging produktibo (laluna bilang magsasaka at negosyante) at napasigla niya't napagkaisa ang mga tagaroon. Ipinakita ni Rizal ang kahulugan ng bayaning buhay. Ang mga hinangad ni Rizal na gawin sana ng itinayo niyang Liga ay kailangan pa ring gawin sa kasalukuyan upang mapagkaisa at maging produktibo at masagana ang ating mga kababayan. Hindi na bawal ang mga layuning ito. Kailangan lamang na ang mga ito'y malaman at pagsumikapan ng nakatayong mga samahan sa paligid natin ngayon. Kung lahat ng mga humahanga kay Rizal ay tatanggap ng ganitong hamon ng pagpapakasipag at pag-aaktibo bilang mga may-taya, mapapaunlad natin agad ang ating mga kalagayan sa bayan-bayan, at mapagtutulung-tulungan natin sa pamamagitan ng tangkilikan na ibangon at ipagtanggol ang ating sama-samang yaman at kabuhayan!
At ang Katipunan, dapat nating mapagtanto na mula pagkakatatag noong 1892 hanggang sa "Unang Sigaw" noon nang 1896 -- apat na taon -- ay nagsimula nang magrebolusyon ang KKK kahit di pa ito nagsisimulang lumaban. Ang armadong paglaban ay kaparaanan lamang ng rebolusyon ngunit hindi iyon mismo ang rebolusyon. Ang salitang-ugat ng Katipunan ay tipon, at iyon nga -- pagtitipon ng hiwa-hiwalay at magkakaibang mga komunidad ng mga taga-ilog -- ang pangunahing ambag ng KKK sa Kasaysayan ng Pilipinas: Pagbubuo ng bansa. Ang Kartilya ng Katipunan na pangunahing gabay sa mga kasapi nito ay di nauukol sa husay sa paglaban at pagpatay sa kaaaway. Ang dumaraming nakakaalam na sa nilalaman ng Kartilya ay naisasabuod na sa dalawang habilin ang 14 na aral ng Kartilya: magpakatao at makipagkapwa-tao.
Mabigat na hamon ito sa ating mga kababayan ngayon, Tila mas madadalian pa tayo sa pagbabatikos at paglaban kaysa ayusin at linisin ang ating kalooban! At ang lahat ng mga may maidadahilan upang hindi bumatikos at di lumaban ay wala nang nakikitang magagawa para sa bayan, kaya wala na lang silang ginagawa, at nangyayaring nagiging bahagi pa sila sa mga problema ng bayan.
Ang hamon sa atin ay kilalanin at kapulutang-aral natin ang Liga at Katipunan upang ibangon ang ating kalagayan at karangalan. Kilalanin natin ang Liga, kilalanin natin ang Katipunan, at aktibo tayong magtulungan nang naliliwanagan ng mga aral ng buhay na kabayanihan!
(tingnan ang http://kartilya.8m.net).
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment