Ni Propesor Ed Aurelio C. Reyes
Guro at Awtor sa Kasaysayan ng Pilipinas
Pasimuno at Pambansang Tagapagsalita,
Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
NAPAKARAMI na ang naisulat at napakarami rin ang maisusulat pa ukol kay
Gat Marcelo Hilario del Pilar, kilala rin bilang “Plaridel” na pangalan niya sa panulat, at binansagan ding “Father of Philippine Journalism” o “Ama ng Dyornalismong Pilipino.” Napansin ninyo marahil na hindi ko ginamit bilang pagsalin sa katagang “Journalism” ang madalas na pagsasalin nito sa katagang “Pamamahayag.” Sinadya po ito at ipapaliwanag ko maya-maya lamang kung bakit.
Sa dami nga ng naisulat na ukol kay Ka Celo, kabilang na ang isang librong walang nilaman kundi ang napakahabang listahan ng mga nabuo at nailathalang artikulo, hindi ko na tatangkain man lamang ang pagbubuo ng isang kompreshensibong presentasyon ukol sa kanya. Sapat na para sa akin ang pagpapatampok ng isang usapin na malamang ay kilalanin din bilang isang kontrobersya sa hanay ng mga dyornalistang Pilipino.
Kung ang dyornalista o peryodista ay isang mamamahayag, na may paninindigang sukat ngang ipahayag at hindi iulat lamang at itala, angkop ngang tawaging “Father of Philippine Journalism” si Marcelo H. del Pilar. Ngunit kung ang dyornalista ay payak na reporter na walang karapatang magdagdag ng sarili niyang opinion sa iniuulat na limang “W” at isang “H,” malinaw sa kasaysayang lagpas na lagpas si Plaridel sa ganito.
‘Advocacy Journalism’: Isang Terminong Kontrobersyal
Noong pinuno pa ako ng Philippine Movement for Press Freedom (o Kilusan sa Pilipinas para sa Malayang Pamamahayag), naging tagapagpadaloy ako ng isang malayang diskusyon ukol sa “Advocacy Journalism” at sa talakayan ay lumitaw agad ng napakakontrobersyal pala ng terminong ito.
May mga pumosisyon kaagad na ang termino raw na ito ay isang kontradiksyon (“contradiction in terms”) at hindi raw talaga maaaring pagsamahin ang dalawang kataga nito. Di raw magkakasundo ang esensya ng dalawa na maaaring isiksik sa iisang termino.
Wala raw tunay na journalism na may panig na pinaninindigan. “Objective” daw kasi, kundi raw nyutral pa nga, ang tunay na journalism.
Ngunit may malakas ding pumosisyon ng ganap na kabaligtaran. Sa halip na kontradiksyong, pagdodobleng kalabisan daw o “redundant” ang terminong “advocacy journalism.” Di na raw kailangan pang sabihin ang katagang “advocacy” dahil lahat daw ng tunay na dyornalismo ay may pinapanigan at may mga prinsipyong pinapanindigan. Idinadagdag pa nila na ang mismong pagpili ng paksang isusulat ay isa nang husga sa kung alin-aling mga paksa ang may kahalagahan.
Isang nakatatandang dyornalista na lubos kong iginagalang ang dating nagpahayag sa akin na payag lamang siyang tanggapin ang katagang “advocacy journalism” basta’t ang pinaninindigan lamang ay ang katotohanan lamang at wala nang iba. Naglaro naman sa isip ko ang mas malaking hamon ng pagiging makatotohanan—ang makatotohanang pagtitimbang kung anong mga paksa at makatotohanang mensahe ang pinakamahalagang ihatid ng dyornalistang naglilingkod sa lipunan upang maging makabuluhan sa ganitong paglilingkod at hindi lamang manatiling buhay at kumikita.
Sa naganap na debate sa komperensyang aking pinaglingkuran bilang tagapagpadaloy, hindi naresolba ng magkabilang-panig o kahit ng mga nanood lamang kung alin ang mas makatuwiran sa kanila.
Pansinin natin ang katagang “tunay” sa mga sinasabi nila. Tila may kani-kanila silang depinisyon ng tunay na journalism. Ngunit ang mga peryodistang Pilipino ay nagkakaisa naman sa pagkilala kay Gat Marcelo Hilario del Pilar bilang “Ama ng Dyornalismong Pilipino”! Kung tunay at taos-puso ang pagkilala nilang lahat sa kanya bilang ama, hindi lamang bilang isang peryodista kundi siya ngang pinaka-ama, hindi ba’t ang kanyang uri ng dyornalismo ang dapat nilang kilalanin bilang tunay at akma sa tunay at lehitimong konsepto ng dyornalismo? Dapat lang!
Kung hindi ay lilitaw na ang paggalang ay kapos sa pagkilala ng katotohanan ukol sa kanya, isang paggalang nang walang pagkakaunawa! Kung hindi naman ganoon ay malala pa roon, isang pabalat-bungang pagkilala! Hindi magiging kaaya-aya kaninuman ang mapilitang aminin ang ganitong paglapastangan sa katotohanan
Aling uri nga ba nga dyornalista si Gat Plaridel?
Si Ka Celo ay Malinaw na Nanindigan!
Hindi nauukol lamang sa masasayang sayaw at magagandang tanawin ang mga isinulat ni Marcelo H. del Pilar. Kung ang gusto lamang nina Del Pilar ay makapagsulat o makapaglabas ng lathalain nang walang panganib sa kanilang kaligtasan, maaaring ganoon na lamang sanang mga ligtas na paksa ang piniling isulat at ilathala.
Kaylayo sa ganito, ang mga nilalaman ng Diaryong Tagalog at ng La Solidaridad ay mga artikulong matatag at matalas na tumutuligsa sa kabuuang katotohanan ng kolonyalismong Espanyol, isang talaksan ng mga paksang maselan, laluna’t sensitibo, tawagin na nga nating mga pikón, ang mga opisyal ng Simbahan at ng kolonyal na pamahalaan, sampu ng kanilang mga naarmasang guwardya sibil.
Ang Dasalan at Toksohan at ang Caiigat Cayo na isang kritikal na parodiya sa orihinal ng isang Kastila laban sa mga Pilipino ay isang pangangahas na kontrahin ang mga panulat na nagtataguyod sa pangongolonya – mga pagsasamantala, pagmamalupit at panlilinlang ng mga kolonyalista sa ating mamamayan.
Nang makipagkasundo si Plaridel sa kapwa-propagandistang si Hermenegildo Flores na gagawa ng isang tambalan ng dalawang tula ukol sa kabuuang ugnayan ng Pilipinas at Espanya, at gamitin pa ngang anyo ang paghibik at pagtugon sa hibik, malinaw ang kanilang layunin at ang malinaw nilang pinapanigan ay ang panig ng inaaliping mga katutubo sa ating kapuluan. Pinauna ni Plaridel si Flores, na siyang sumulat ng Hibik ng Pilipinas sa Ynang España. Bagamat naging malaking hamon din ang gayong gawain sa tapang at husay ni Flores, mas mahirap ang piniling gawin ni Ka Celo. Sa kanyang Sagot ng España sa Hibik ng Filipinas, ginamit niya ang rasonableng ipagpalagay na punto de bista mismo ng mga Kastila upang iyon ay tuligsain.
Masasabi nga na sa pagkakasulat ni Plaridel sa Sagot, binigyan na niya ng madulas na daan ang ikatlong makata na sumama at nagdugtong at nagsilbi ring panapos sa mga hibikang iyon, ang Katapusang Hibik ng Pilipinas na isinulat ni Andres Bonifacio. Pansining naganap sa mismong nabuong trilohiya ang transisyon mula sa balangkas ng “paghingi ng konsesyon” sa repormistang kilusang propaganda tungo sa pagtatanghal na ng bagong balangkas na tapos na ang yugto ng pakiusapan at handa na ang Pilipinas na mag-aklas at makipagkalas!
Kasalukuyang Kahalagahan ng Aral ni Plaridel
Ginamit ni Flores sa tulang Hibik ng Filipinas sa Ynang España ang punto de bista ng isang anak na nagsusumbong ukol sa mga prayle at nag-aapela sa motibasyon ng pinagsusumbungang sentral na pamahalaan sa Madrid na mapanatili ang sarili at ang paghahari nito sa sarili sa pamamagitan ng pagpapatigil sa mga abuso ng mga prayle.
Sa kanya namang pagsulat ng Sagot ng Ynang España sa Hibik ng Filipinas, pinagbigyan ni Plaridel ang España sa pagpabatay sa pagpapalagay na taos-puso ang layunin ng huli sa pangongolonya sa kapuluang tinawag na Filipinas, at ang pagkukulang at pagpapahamak ay bunga lamang ng kawalang-kaalaman sa mga nagaganap at kawalang-kakayahang pigilin ang mga pang-aabuso ngayong napag-alaman na niya ang mga ito.
Sa tantiya ni Plaridel, higit na masasaktan ang sensibilidad ng mga opisyales ng Espanya kung ang pagtutuunan niya, sa halip na larawan ng isang Espanyang malupit at mapagkunsinti sa kalupitan, ay ang isang Espanyang inutil at lampa na dapat na lamang unawain nang may pagkutya.
Ang ganitong pagbubuo ng istratehiya sa retorika ay tiyak na tanda ng pagiging matalas, ang talas ay di kailanman kailangan ng mga “obhetibo” at nyutral.
May napakahalagang mensahe si Del Pilar na ipinaloob niya sa kanyang Sagot ng Ynang España sa Hibik ng Filipinas.
Hinamon niya ang kanyang mga kababayan na kumilos o kaya’y magtiis na lamang nang matahimik. Batay sa paninindigang ang kalayaan at ginhawa ay di hinihingi at di ipinagkakaloob lamang, kundi ipinaglalaban. Kahawig ng sinasadyang pag-iinsulto sa mga opisyales ng Espanya, sinabihan din ni Plaridel ang mga kababayan na maaasahan lamang nating patuloy na maapi ang mga duwag at ang mga lampa.
Ganito ang mga katagang ginamit ni Plaridel:
Sa abang aba ko’t laking kamalian!
Laking pagkasawi, laking kadustaan!
Na ipagpabaya sa kapahamakan
Ang dapat mahaling usbong niring buhay.
Kaya, kailangan, bunsong iniirog,
Matutong magtiis, iayonang loob.
Sa madlang dalita, kung ayaw kumilos
Ang mga anak mo sa pagkakatulog.
Ang paghamong ito ay tinangka kong ulitin kamakailan nang sa isang isinulat kong blog ay isinama ko ang ganitong pangungusap (nasa English nga lamang):
Magkasabay at magkahalo nating naririnig sa ating mga kababayan ngayon ang mga pagdaing sa dinaranas nating mga kahirapan at kaapihan at ang mga pagdadahilan kung bakit di tayo aktibong humahakbang upang wakasan ang mga ito. Ang ganitong kombinasyon ay nanganganib na manatili nang napakatagal.
Masasabing pagtugon sa hamon ni Plaridel nang magkusa at nangahas na pumangatlo sa kanila ang isa pang makata na nagtataguyod na noon ng balangkas ng pag-iisip at pagkilos na lagpas na sa tinataglay pa ng Kilusang Propaganda. Isinulat ni Andres Bonifacio bilang panapos sa serye – at panapos na sa yugto ng usapan – ang Katapusang Hibik ng Pilipinas. Ang pinili sa hamong pagpili: Kumilos na nang tuwiran laban sa dati’y isinusumbong lamang na mga kalupitan.
Wala akong pagdududa kung aling klaseng dyornalista si Plaridel. Isa siyang mamamahayag. Siya ay karapatdapat ngang kilalanin blang Ama ng Pamamahayag sa Pilipinas.
Hayaan nating ang kasaysayan na ang humusga kung ikinatutuwa kaya niya ang paghirang sa kanya sa katawagang ito kapwa ng mga katulad niyang mamamahayag para sa kapakanan, kaligtasan, kalayaan, at kaginhawahan ng bayan at ng mga peryodistang nyutral, naghuhugas-kamay, nagtutulug-tulugan, ligtas at komportable sa pinakamadidilim na gabi ng ating bayan.
Tayo ba’y mangangahas na angkining mga anak nga tayo ng ganitong Ama at hindi niya tayo ikinahihiya?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
Mabuhay kayo ka ed reyes
ferdie paggao of Pinaglabanan Memorial Shrine/Museo ng Katipunan san juan city
Post a Comment