Sunday, May 2, 2010

Bagong Binhi -- Ipalaganap natin!

BAGONG BINHI
Sama-Samang Kapasyahan na Aktibong Ipagtanggol
Ang Buhay, Kalusugan, Dangal at Katalinuhan
Ng Sangkatauhan at Sangkalikasan

.
. Tayo ay malaya at mulat, malinaw at matatag, na nagpasyang pagsanib-sanibin ang ating mga kakayahan na aktibong ipagtanggol ang buhay at kalusugan, dangal at katalinuhan, ng Sangkatauhan at Sangkalikasan, sa kalagayang hindi natin maasahan, at madalas pa ngang nakakabangga ang mga pamahalaan at institusyong nagpapabaya o sumasabwat pa sa paglalason at pamiminsala sa buhay at iba pang kailangan nating ipagtanggol.
.
. Personal at sama-sama natin itong tungkulin at karapatan na hindi makatuwirang itatwa o hadlangan ninuman.
.

. Ang pasya nating ito ay isang Bagong Binhi ng inspirasyon at mga aksyong palalaganapin natin sa ating sari-sariling bansa at sa buong sandaigdigan. Kapasyahan natin itong ipapahayag at isasagawa ng ating mga pami-pamilya at sari-sariling mga pamayanang magbabalik-bayanihan para sa ating kalikasan, karangalan at sustenableng kabuhayan.
.

. Itatakda natin nang malinaw ang mga balak ayon sa ating mga kalagayan at kakayahan, at ayon sa diwa at bias n gating pagsasanib-lakas.
.

. Kasihan nawa tayo nang palagian ng Bathalang Maylikha.
.

. Unang binigkas sa Castillejos, Zambales, umaga ng Mayo 2, 2010, na isinagawa ng may 80 mga pinuno’t kasapi, na karamiha’y katutubong mamamayang aeta, ng mga samahang magsasakang nagtataguyod ng organikong pagsasaka sa pook na iyon ng Zambales. Ang sama-samang pagbigkas ay pinangunahan nina Ed Aurelio C. Reyes, kalihim-pangkalahatan ng World Environment Day-Philippines (WED-Phils) Network, at Conrado Esemple, pinunong-lingkod sa pook na iyon ng Task Force for Justice, Peace and the Integrity of Creation. Ipapalaganap nang pinakamalawak na makakayanan ang pahayag na ito at ang angkop na mga salin nito sa sari-saring wika, gayundin ang mga paliwanag at mga talaan ng mga nakikiisang lagda. Aktibong ikakampanya ng WED-Phils na makiisa sa kapasyahang ito ang pinakamaraming mahihimok na samahan, pamayanan at mag-anak; at ang lahat ng makikiisa ay pasasamahin sa pangangampanyang ito. Gagawa ng angkop na resolusyon ukol dito ang Taunang Kapulungan ng WED-Philippines na gaganapin sa Hunyo 5 sa Environmental Studies Institute ng Miriam College sa Quezon City, at ipapaabot ang resolusyon sa mga tanggapan ng United Nations at iba pang mga samahang pandaigdigan.

No comments: